Nasa tatlong mga kalalakihan na sangkot umano sa pagbebenta ng illegal drugs ang patay matapos na mapa-engkwentro sa mga pinagsanib pwersa ng District Public Safety Battalion, Special Weapons and Tactics unit (SWAT), District Intelligence Division at Maritime Group sa Lungsod ng Navotas kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga nasawing suspek na sina Raul Rarugan alyas ‘Ninong’, Jommel Ejorcades alyas ‘Boknoy’, pawang mga nasa hustong gulang na mga miyembro ng Sputnik Gang at isang nakilala lamang sa alyas ‘Jimmy’.
Maghahain sana umano ng warrant of arrest ang mga awtoridad sa may Road 10, Sitio Sto. Niño, Barangay NBBS laban sa dalawang iba pang suspek nang matiyempuhan sina Rarugan at Ejorcades na nag-aabutan ng iligal na droga. Pinaputukan ng baril ng isa sa suspek ang pulisya dahilan upang paputukan na rin sila ng mga ito na nauwi sa agarang pagkakasawi ng dalawa.
Sinusuyod naman ng mga awtoridad ang Fish Port Complex nang pagbabarilin sila ng lalaki na armado din ng .38 caliber na baril, agad ding napatay ng mga awtoridad ito.
Arestado ang mga hinainan ng arrest warrant na sina Frankie Tebar at Rodelyn Cayatano.