Tatlo katao ang nasawi matapos matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang bahay sa Puerto Princesa, Palawan kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na sina Marites Vedor; at mga anak nitong si Ashley, isang taong gulang; at Mira, dalawang taong gulang sa landslide na naganap sa Barangay Liwanag pasado alas-10:00 ng gabi.
Sugatan at kritikal din ang kanilang ama na ngayon ay nasa pagamutan.
Napag-alamang dahil sa malakas na buhos ng ulan ay lumambot ang lupang kinatitirikan ng kanilang inuupahang bahay at siyang itinuturong dahilan ng pagguho.
May nadamay ding anim pang bahay kung saan sampung pamilya pa ang apektado sa nasabing pagguho.