Nakamit ang inaasam na three-peat, pero kahit tapos na ang 94th NCAA women’s indoor volleyball ay hindi hihinto ang Arellano University.

Patuloy pa silang mag-eensayo upang paghandaan ang susunod na season.

“Kahit nag-three-peat na kami ay continue pa rin, hindi kami hihinto,” saad ni Arellano coach Roberto ‘Obet’ Javier. “Patuloy kaming mag-aaral, mag-i-improve dapat para sa school sa susunod na taon.”

Kinolekta ng Legarda-based squad ang pang-apat na titulo sa huling limang season matapos kalusin ang Perpetual Help Lady Altas 22-25, 25-15, 25-18, 25-18 sa do-or-die Game 3 nitong Pebrero 12, Martes, sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Ayon kay Javier, inaalay nila ang kanilang tagumpay sa namayapang mentor na si Ernesto ‘Nes’ Pamilar.

“Inaalay ko sa kanya itong game na ito,” naluluhang hirit ni Javier na isa sa pinagkakatiwalaang assistant ng yumao. Namatay si Pamilar nakaraang buwan sa sakit sa puso.

Palaging napapalitan ng saya at tagumpay sa tuwing nalulungkot si Javier tulad noong 2017 kung saan ay bumalik sa kanilang bakuran ang titulo, dalawang linggo matapos naman mamatay ang kanyang asawa.

Pipilitin ni Javier na ipahawak nang matagal ang kanilang pamamayagpag kaya hindi sila magpapahinga.

“Minsan lang dumating sa isang team itong dynasty kaya pipilitin naming hawakan ito,” wakas ni Javier. “Hangga’t maari ‘di namin dapat pakawalan.”