3 PHL bets sabak agad sa Rio

Tatlo sa 12 Filipino athletes ang agad may laban kinabukasan pagkatapos ng pagbubukas ng 31st Summer Olympics sa Aug. 5 sa Rio de Janeiro, Brazil.

Sila ay sina flag-bearer Ian Lariba sa table tennis women’s singles, boxers Rogen Ladon sa men’s light flyweight at Charly Squarez sa men’s flyweight, at swimmer Jessie Khing Lacuna sa men’s 200-meter butterfly.

Hahambalos ang 172 entries sa table tennis sa Riocentro – Pavilion 3 sa August 6-17, uumbag ang boxing (250 competitors) sa Riocentro – Pavilion 6 sa Aug. 6-21, at kakampay ang swimming (900 entries) sa Olympic Aquatics Stadium (pool) sa Aug. 6-13.

Anim sa 12 Pinoy Olympians na ang duma­ting Sabado ng hapon mula sa nakakabagal na 25-hour trip galing Maynila. Kasama nina Lariba at Lacuna sina weightlif­ters Nestor Colonia at Hidilyn Diaz, long jumper Marestella Torres ng track and field, at taekwondo jin Kirstie Elaine Alora, na Aug. 20 pa ang laban.

Nag-eight-hour flight mula Manila pa-Dubai, UAE, pagkatapos ng three-hour stopover ay binuno ang 14-hour journey pa-Rio.

Parating pa lang sina Ladon at Suarez, na kinukumpleto na lang ang United States training training; hurdler Eric Shauwn Cray ng athletics, na magbubuhat sa Houston; swimmer Jasmine Alkhaldi, na manggagaling Hawaii; marathoner Mary Joy Tabal, na magmumula sa Japan; at golfer Luis Miguel Tabuena, na papalo pa sa lingong itong King’s Cup sa Thailand.