Hindi makakatikim ng pardon ang mga alagad ng batas na napatunayang guilty sa sadyang pagpatay sa mga sibilyan.
Inihayag ito ng Malacañang makaraang hatulan ng Caloocan Regional Trial Court Branch 125 ang tatlong pulis-Caloocan na akusado sa pagpatay kay Kian delos Santos.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na bagama’t inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na bibigyan ng pardon ang mga pulis at sundalong nakulong dahil sa pagtupad sa tungkulin, hindi kabilang dito ang mga awtoridad na may paglabag sa batas.
Batay sa hatol sa tatlong pulis-Caloocan, habambuhay na pagkabilanggo ang ipinataw ng korte sa kasong murder ng mga ito dahil napatunayang may intensiyong pagpatay sa biktima.
“The President will never tolerate policemen who intentionally kills, who done it not in accordance with the performance of their duties. Obviously if the conviction is murder, which is intentional, then I don’t think the President will pardon,” ani Panelo.
Guilty sa kasong murder ang mga pulis na pumatay kay Kian na kinilalang sina PO3 Arnes Oares, PO1 Jeremias Pereda at PO1 Jerwin Cruz.
Sinabi pa ni Panelo na malinaw na gumagana ang judicial system sa bansa dahil sa loob lamang ng anim na buwan ay nakuha ng pamilya-Delos Santos ang hustisya.