3 pulis kinasuhan ni Goma

Hindi pinalagpas ng aktor at kasalukuyang Ormoc City Mayor Richard Gomez ang mga pulis na nagsangkot sa kanya sa iligal na droga at kanyang sinampahan ang mga ito ng kasong administratibo kahapon.

Pormal na kinasuhan ni Gomez sa National Police Commission (Napolcom) ng kasong grave misconduct, grave abuse of authority at conduct unbecoming of a police officer sina Police Chief Inspector Jovie Espinido ng Albuera, Leyte Police Station, Police Chief Inspector Leo Laraga ng Criminal Investigation Detection Group (CIDG) Region 8 at PO3 Hydie Yutrago, matapos siyang pangalanan at isangkot sa iligal na droga sa mismong pagdinig kamakailan ng Senate Commitee on Public Order and Dangerous Drugs.

Sinabi pa ni Gomez na bukod sa administrative cases ay balak din niyang sampahan ng kasong kriminal ang mga pulis.

Ayon kay Gomez, imbento at politically motivated ang pagsangkot sa kanya sa iligal na droga dahil mga bata umano ng kalaban nila sa politika ang nasabing mga pulis.

Binigyan diin ni Gomez na hindi siya papayag na basta na lamang bahiran ng dumi ang kanyang pangalan.