Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na mabubulok sa kulungan ang tatlong pulis sa Caloocan City na nakapatay sa estudyanteng si Kian delos Santos.

Sinabi ng Pangulo sa ambush interview sa kanya sa Malacañang kahapon na wala siyang balak na bigyan ng pardon sina PO1 Jeremias Pereda, PO1 Jerwin Cruz at PO3 Arnel Oares dahil napatunayan sa korte na sinadyang patayin nila ang biktimang si Delos Santos.

Kahit pa aniya lumipas ang isang milyong taon ay walang matitikmang pardon ang tatlong pulis.

“No. Of course not. Maybe a million years from now,” maiksing pahayag ni Pangulong Duterte.

Iginiit ng Pangulo na handa niyang ipagtanggol at akuin ang sinumang pulis o sundalo na nakapatay dahil sa pagtupad sa kanilang tungkulin, pero hindi kasama dito ang mga umabuso sa kapangyarihan at sinadyang pumatay at lumabag sa batas.

“Look, ang sinabi ko I will defend to death my soldier and my policemen if they commit some acts which can be considered criminal but done in the performance of their duties,” anang Pangulo.

Ang tatlong pulis ay hinatulang mabilanggo nang habambuhay ng Caloocan City Regional Trial Court matapos mapatunayang guilty sa kasong murder.