Magkakasunod na bumulagta ang tatlong pinaniniwalaang ‘tulak’ ng iligal na droga na nag­lulungga sa loob ng Manila North Cemetery matapos na manlaban sa mga tauhan ng Manila Police District (MPD)-Station 3 sa isinagawang buy-bust operation, kahapon ng hapon sa Blumentritt, Maynila.

Ayon kay Blumentritt Police Community Precinct (PCP) Chief Insp. Marlon Mallorca,­ dakong alas-2:15 ng hapon nang ikasa ng kaniyang grupo, kasama ang mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Unit (SAID-SOTU) at sinubukang bumili ng P500 na halaga ng shabu sa mga suspek na ang ginagamit na lungga ay ang mausoleum sa nabanggit na sementeryo na matatagpuan sa 16th Street.

Sa kasagsagan ng transaksiyon, nakahalata umano ang mga suspek na mga pulis ang nasa paligid nila kaya pinaputukan ang poseur-buyer at nauwi sa komosyon at habulan hanggang sa bumulagta ang dalawa at napasandal naman ang pangatlo, na pawang mga armado ng kalibre .38 baril.

Nakilala ang isa sa nasawi na si Emmanuel Castell, Jr., alyas ‘Butoy’, 49, na kabilang umano sa sumuko sa Oplan Tokhang at nasa drug watchlist ng MPD-Station 3.
Dumagsa naman ang mga taong nakatira sa loob ng sementeryo at nakiusyoso nang makita ang mga nakabulagta at duguang mga suspek.

Sinabi ni Mallorca, matagal na nilang sinusubaybayan ang mga galaw ng mga tao na naninirahan sa loob ng nabanggit na sementeryo na nadiskubre nilang pa­tuloy pa ang pagbebenta ng shabu sa kabila ng mainit na ‘war against ­illegal drugs’.

Nasa hurisdiksiyon pa ng Scene of the Crime Ope­ratives (SOCO) ang tatlong baril at habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa tukoy ang dami ng shabu ng nag-iimbestiga sa mga nasawi sa loob ng sementeryo.

Tiniyak naman ni P/Supt. Santiago Pascual , hepe ng MPD-Station 3 na puspusan ang kanilang pagtugis sa mga kriminal at may iligal na gawain na walang takot sa mga babala ng gobyerno.