3 sa drug watchlist kalaboso

Arestado ang isang babae at kasama nitong dalawang lalaki na umano’y pawang nasa drug watchlist matapos kumagat sa buy-bust ope­ration ng mga operatiba ng Pasay City Police Biyernes nang gabi.

Kinilala ni Col. E­rickson Dilag, hepe ng Pasay City Police, ang mga suspek na sina Eric Salamat alyas Erica, 38; Eric Beronia alyas Eric, 40, construction worker; at Jasmine Evangelista alyas Yeye, 29, pawang nakatira sa M. Dela Cruz St., Brgy. 127 sa nasabing lungsod.

Sa ulat ni Cpl. Jett Morillo, may hawak ng kaso, dakong alas-11:40 nang gabi nang ikasa ang buy-bust operation sa pangunguna ni Cpt. Deni Mari Pedrozo laban kay Salamat na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong suspek.

Nahulihan ang mga suspek ng limang pakete na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu na 17 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P115,600; isang itim na pouch wallet; at nabawi rin ang P500 buy-bust money.

Dinala sa Southern Police District-Crime La­boratory ang mga nahuling droga para sa chemical analysis.

Nakakulong na ngayon ang mga suspek sa custodial facility ng Station Drug Enforcement Unit habang inihahanda ang demanda sa kanila dahil sa paglabag sa Comprehensive Dange­rous Drugs Act of 2002. (Armida Rico)