Sugatan ang tatlong lalaki nang sabay-sabay pagbabarilin ng riding in tandem kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.

Kinilala ng Manila Police District (MPD)-Police Station 1 ang mga biktimang sina Bebot Balmocina, Roel Santiago at Nognog Marasigan, pawang nasa hustong gulang na nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa inisyal na ulat, naganap ang insidente alas-11:30 ng umaga sa panulukan ng Velasquez St. at Navarro St., Brgy. 92, Tondo. Nakatakas naman ang mga suspek na nakasakay sa isang SYM pulang motorsiklo kung saan nakasakay ang gunman na backrider na nakaputing t-shirt at ang driver na naka-orange na sando; at isang pinaghihinalaang back up nila na sakay naman ng dilaw na scooter at nakaputing t-shirt.

Nasa lugar umano ang mga biktima nang dumating ang mga suspek at pinagbabaril ang mga ito. Nang magsibagsakan ang tatlo ay kaagad na tumakas ang mga suspek. Mabilis namang isinugod sa pinakamalapit na pagamutan at nakaratay ngayon ang mga biktima. Patuloy pang inaalam ng pulisya ang posibleng motibo ng krimen. (Juliet de Loza-Cudia)