3 sangkot sa droga dedo sa Taguig

Bumulagta ang tatlong armadong lalaki na umano’y sangkot sa pagtutulak ng iligal na droga at serye ng pagpatay, panghoholdap at pagnanakaw makaraang makipagpalitan ng putok sa mga humahabol na pulis sa Taguig City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Taguig police chief P/Col. Celso Rodriguez ang mga napaslang na suspek na sina Adam Kamid Chiongbian, miyembro ng gun-for-hire at suspek sa pagpatay sa dalawang Taguig Police na sina PO1 Angel Babaran noong 2014 at Pat. Ralph Aquino noong 2019. Nabatid na nakulong na ito sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga.

Nasawi rin si Ronaldo Jarumay Villanueva alyas ‘Kuntil’, suspek sa nangyaring barilan sa Lower Bicutan kamakailan, at si Edward Dagwayan Galleposo, alyas ‘Edong’ na sangkot naman sa carnapping at bentahan ng iligal na droga.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Southern Police District (SPD) Acting Director P/Col. Emmanuel Peralta, nagsasagawa ng anti-criminality operation ang mga tauhan ng Taguig Police Intelligence Section sa Brgy. Napindan dakong alas-kwatro ng hapon nang makatanggap ng tawag sa kanilang impormante kaugnay sa grupo ng mga armadong kalalakihan sa Ibayo, Tipas.

Kaagad na nagtungo sa lugar ang grupo ng kapulisan sa pangunguna ni P/CMSgt. Arnaldo Pacleb at inabutan pa nila ang tatlong armadong lalaki na kaagad nagtatakbo papasok sa isang dalawang-palapag na bahay sa Dela Paz St. Ibayo, Tipas.

Hinabol ng mga pulis ang mga suspek na mabilis umakyat sa ikatlong palabag ng bahay at doon sinimulang paputukan ang grupo ni Sgt. Pacleb na napilitang gumanti ng putok.

Makaraan ang palitan ng putok, bumulagta ang wala nang buhay na tatlong suspek na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nakuha sa mga napaslang na suspek ng mga tauhan ng SPD Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang isang kalibre .45 pistola, isang kalibre .38 revolver, isang grenade rifle at isang fragmentation grenade. (Edison Reyes)