Nasawi ang tatlong katao habang sugatan ang siyam na iba pa matapos magkarambola ang tatlong sasakyan kahapon ng madaling-araw sa bayan ng Matalam, North Cotabato.

Agad na nasawi sina Edelbert Gawat, 40-­anyos, driver ng traysikel at Veronica Gawat, 66, pawang residente ng Pigcawayan; at Yhasser Kinala, 15, ng Brgy. Bannawag, Kabacan.

Sugatan din ang drayber ng Toyota Hilux pick-up na si Ridznul Tandih, 34-anyos at apat pa nitong kasama. Gayundin, nagtamo ng sugat ang apat na sakay ng KIA Bongo na kabilang sa banggaan.

Base sa inisyal na ulat, naganap ang insidente pasado alas-tres ng madaling-araw sa kahabaan ng Purok 3, Brgy. Kilada kung saan mabilis umano ang takbo ng pick-up nang salpukin nito ang kasalubong na traysikel at kotse bago ito bumangga sa isang day care center at isa pang bahay.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya at tinitingnan ang posibilidad na nakatulog habang nagmamaneho si Tandih na humantong sa aksidente.