3 sasakyan nagsalpukan; 3 patay, 17 sugatan

Patay ang tatlo katao habang sugatan ang 17 iba pa makaraang magsalpukan ang tatlong sasak­yan kabilang ang Navarra pick-up, Toyota Innova at isang multicab, Lunes nang umaga sa Purok 2, Hijo, Maco-Mati Davao Coastal Road sa Maco, Compostela Valley.

Arestado na ang suspek na si Robert Paul Molina, driver ng Navarra pick-up at nahaharap sa kasong Reckless Imprudence resulting in Multiple Homicide and Physical Injuries at Damage to Property.

Ayon kay Maco Police Station commander Captain Woody Sabdani, nakilala ang nasawing sina Bern Gestapa, Zaida Rongoc at Alberto Cambal, multicab driver na dinala sa ospital sa Tagum City.

Sugatan naman ang pasahero ng Innova na si Paulino Camay at ang driver na si Leonardo Camay, habang ang iba ay mga sakay ng multicab.

Sa report ng Maco Police Station, binabagtas ng Toyota Innova at Navarra pick-up ang kahabaan ng Purok 2, Hijo, nang mag-overtake ang Innova at agad na bumalik sa kanyang linya na naging dahilan ng pagsalpok ng pick-up at nasagi ang multicab na nasa kabilang lane. (Vick Aquino)