Iniahon sa kahirapan ang anim na milyong maralitang Pilipino ng ‘Dutertenomics,’ ang pang-ekonomiyang balangkas ng adminitrasyong Duterte, kasama ang pang-impraestrakturang programang ‘Build, Build, Build’ na pinopondohan ng batas na ‘Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN).’
Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, “maituturing na pinakamahalagang balita sa unang tatlong taon ng administrasyong Duterte ang pag-ahon mula sa pagdarahop ng napakaraming maralitang Pilipino.”
“Bumaba ang bilang ng mahihirap ng anim na milyon sa 17.6 milyon noong 2018 mula sa 23.5 milyon noong 2015,” puna ng kilalang ekonomista na siya rin ang nagbigay ng bansag na ‘Dutertenomics’ sa pang-ekonomiyang ‘masterplan’ na inihain niya sa Pangulo sa unang taon ng kanyang administrasyon.
Batay sa mga datus ng gobyerno “bumaba ng 6.7% ang bilang ng mahihirap na Pinoy sa 16.6% noong 2018 mula sa 23.3% noong 2015.”