3 tauhan ng BIR nangotong sa Chinese resto timbog

Naaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong empleyado ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa isang entrapment operationg isinagawa, kamakailan sa Greenhills, San Juan City kamakailan.

Kinilala ni NBI Director Dante Gierran ang mga suspek na sina Arturo Buniol, Gary Atanacio at Edgardo Javier na pawang nakatalaga sa BIR Regional Investigation Division.

Nag-ugat ang pag-aresto sa mga nabanggit na empleyado batay sa complaint affidavit na isinampa ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica sa NBI Special Task Force.

Nabatid na nakatanggap umano ng impormason si Belgica mula sa isang empleyado ng isang Chinese restaurant na may mga empleyado ng BIR Regional Investigation Division na nagsasagawang surveillance at imbestigasyon sa operasyon ng kanilang establisimyento kahit may isang taon pa lamang ito nag-o-operate.

Sinabi umano ng mga suspek na mayroon silang tax liability na P1.2 milyon. Iginiit pa na kinakailangan nila magbayad ng P600,000 at kailangang kumuha ng serbisyo ng accountant.

Kinasuhan ang mga suspek sa Office of the Ombudsman ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials and Employees at bribery sa ilalim ng Revised Penal Code.