Kamatayan ang kinahantu­ngan ng tatlong drug pusher, habang walong iba pa ang nadakip sa serye ng anti-illegal drug opera­tion sa Bulacan.

Kinilala ang mga nasawi na sina Ryan Daquiz, 20, dati nang sumuko sa Oplan Tokhang, ng Brgy. Cutcut, Pulilan; Novem Jornales, 39, at isang nakilala lang sa alyas ‘Bukol’, kapwa taga-Barangay. Sto. Niño, Plaridel.

Ikinasa ang buy-bust Miyerkoles nang madaling-araw sa Brgy. Tibag laban kay Daquiz habang sa Brgy. Bulihan naman laban kina Jornales at Bukol, habang nagpapalitan ng iligal na droga ay nakatunog umano ang mga suspek na pulis ang kanilang katransaksiyon kaya pinaputukan ang mga awtoridad na gumanti rin ng putok at nagresulta sa kanilang kamatayan.

Nakuha ng mga pulis sa operas­yon ang tatlong kalibre .38 rebolber, 12 na pakete ng shabu at tatlong pakete ng marijuana.

Walong hinihinalang tulak naman ang nadakip sa Malolos City, San Rafael, Obando, Angat at Baliwag. Umabot sa labinglimang pakete ng shabu ang nakumpiska. (Jun Borlongan)