CAMP SIMEON OLA, Legazpi City — Patay ang tatlong drug pusher matapos manĀlaban sa mga aarestong awtoridad sa isinagawang buy-bust operation sa magkakahiwalay na probinsya sa Bicol region.
Base sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 5, dakong alas-12:45 ng hapon kamakalawa nang mapatay ng mga tauhan ng Libon Police sa lalawigan ng Albay ang suspek na si Herold Casim matapos nitong hugutin ang kanyang kalibre .38 baril sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Pantao.
Si Casim ay dati nang sumuko sa isinagawang Oplan Tokhang at ilang beses na ring binalikan ang kanyang bahay ng mga operatiba upang kumbinsihin na magbagong buhay subalit imbes na magbago ay muli itong nagbalik sa pagtutulak ng iligal na droga.
Dakong alas-6:35 naman ng gabi nang mapatay ng Gubat police sa lalawigan ng Sorsogon ang suspek na si Romeo Erlano; 45, sa Barangay Rizal ng nabanggit na bayan.
Nahalata umano ng suspek na pulis ang kanyang katransaksyon kaya binunot nito ang kanyang kalibre .45 baril sa beywang at pinaputukan ang pulis subalit maagap ang naging responde ng iba pang pulis dahilan upang mapatay ito.
Samantala pasado alas-10:00 naman ng umaga kahapon ay isang Anthony Dacillo ang napatay ng mga tauhan ng Daet-PNP sa isang buy-bust operation sa Purok Ubas Brgy. Gubat, Daet, Camarines Norte.
Nakipagbarilan umano sa mga pulis ang suspek habang tumatakas sa palayan hanggang sa masapol at mapatay ng mga humahabol na kapulisan.