3 tulak timbog huli sa buy-bust

Tatlong sinasabing drug pusher, kabilang ang isang ginang ang naaresto ng mga awtoridad sa isinagawang magkahiwalay na buy-bust operation sa Quezon City, nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGen. Ronnie Montejo, ang mga nadakip na sina Edmund Narag, 39, at Mario Margate, 30, kapwa residente ng Pasig City.

Sila ay naaresto alas-siyete ng gabi sa Bridgetown Mall, Brgy. Ugong Norte ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Eastwood Police Station.

Nakumpiska kina Narag at Margate ang 10 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P68,000, buy-bust money, at cellular phone na ginamit sa iligal na transaksiyon.

Bandang alas-8:10 ng gabi naman nang nadakip ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pamumuno ni PMaj. Timothy Aniway si Rose Anne Brioso, 37, sa No.9 Virginia Drive, Rodriguez Subd., Brgy. Baesa.

Nasamsam kay Brioso ang walong gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P54,400, buy-bust money, weighing scale at cellular phone.

Hinahanda na ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga nadakip. (Dolly Cabreza)