Bumulagta ang da­lawang lalaki, habang isa ang arestado sa inilatag na buy-bust ope­ration ng mga tauhan ng Manila Police District, kahapon ng hapon sa Binondo, Maynila.

Kinilala ni SPO2 J­oseph Kabigting, im­bestigador ng Manila Police District – homicide section ang mga suspek na nasawi na sina A­bner Nasi, alyas Abeng, 41, barangay tanod  ng 417 Juan De Moriones St. Binondo. Hindi pa nakikilala ang isa pa na inilarawan nasa pagitan ng edad na 40-45, at isa umanong Muslim.

Habang naaresto naman ang isang Janneth Ramos , 27 , live-in partner  ni Nasi at residente rin sa nasabing lugar.

Naganap umano ang insidente dakong alas-dos ng hapon nang ilatag ang isang buy-bust operation sa pangunguna ni P/Chief Insp. Leandro Gutierrez, hepe ng  Station Anti-Illegal Drugs – Special Ope­ration Task Unit ng MPD-Binondo Police Station 11 sa bahay ni Nasi sa Juan De Moriones sa Binondo.

Tinangka umano ng dalawang napatay na manlaban sa mga awto­ridad, kaya nang gumanti ang mga alagad ng batas ay kapwa tumimbuwang ang dalawa sa loob mismo ng bahay, habang binitbit naman si Ramos.

Narekober sa crime scene ang dalawang kalibre .38 na baril, shabu na aabot sa halagang P4,000; marked money at mga shabu paraphernalias.