3 wanted sa Quezon City inaresto

Tatlong lalaki na sinasabing wanted sa batas ang naaresto sa magkakahiwalay na insidente sa Quezon City.

Kinilala ni Quezon City Police Clearance Section head Chief Inspector Rodel Maritana ang unang suspek na si Danilo Sena, 48-anyos, ng Brgy. Mangga sa nasabing lungsod, na may kasong estafa.

Sa ulat ng pulisya, noong Nobyembre 9, dakong alas-3:30 ng hapon ay nag-apply si Sena ng police clearance nang biglang lumitaw sa ‘hit’ ng PNP E-Warrant System ang kanyang pangalan na may warrant of arrest sa kasong estafa na inisyu ni Judge Anjanette N. De Leon Ortile ng Marikina City Regional Trial Court Branch 156 at may piyansang P40,000.00.

Samantala, naaresto naman ng Masambong Police Station 2 sa pamumuno ni Supt. Rodrigo Soriano ang number 8 most wanted na si Joey Boy Comora, 24-anyos, ng Brgy. Bagong Pag-asa, na may kasong robbery.

Isa pang wanted na nasakote naman ng Talipapa Police Station 3 na pinamumunuan ni Supt. Alex Alberto ay kinilalang si Ronald Allan Malbog, 25-anyos, ng Brgy. Tandang Sora, na may arrest sa kasong indirect contempt.