Ginawang sangkalan ng Orlando Magic ang 30 points at 20 rebounds ni Nicola Vucevic para kalsuhan ang four-game losing streak sa bisa ng tambakang 116-87 panalo kontra league-leading Toronto Raptors.
Limang players ng Orlando ang umiskor ng double-figures kabilang ang 17 ni DJ Augustin. Dinomina rin ng Magic ang rebounding department 60-41.
Ayon sa Magic, si Vucevic ang pangatlong player ngayong dekada, panlima mula 2000 at pang-siyam mula 1974 na nagsumite ng at least 30 points, 20 rebounds at 8 assists sa isang laro. Ang iba pa ay sina Charles Barkley (tatlong beses), DeMarcus Cousins (dalawa), Kareem Abdul-Jabbar, George McGinnis, David Lee, Tim Duncan, Dirk Nowitzki at Alex English.
“Tonight everything clicked for us on both ends, but defense is probably the main reason we won,” ani Vucevic.
Pasok ang walo sa unang 12 bitaw ng Toronto, kabilang ang dalawang 3s ni Fred VanVleet para lumamang 19-9. Pero 11 sa sumunod na 51 tira na lang ang naipasok ng Raptors hanggang dumakdak si Kawhi Leonard sa dulo ng third quarter habang abante ang Orlando 91-60.
Na-outscore ng Magic ang Raptors 51-16 sa loob ng 16 minutes mula second quarter na tumawid ng third, namaga ang bentahe hanggang 31.
Umiskor ng 21 si Leonard sa Raptors, bago ang game ay Eastern Conference-best ang 26-11record pero dumausdos sa likod ng Milwaukee pagkatapos ng talo. (VE)