Tinatayang 30 bahay ang natupok sa nangyaring magkasunod na sunog sa isla ng Boracay.
Sa nakalap na ulat, unang sumiklab ang apoy sa dating sanitary landfill sa isla dakong alas-kuwatro Linggo nang hapon. Agad itong naapula ng mga rumespondeng Boracay Fire Rescue and Volunteers.
Sinundan ito ng isa pang insidente sa Sitio Bantud, Brgy. Manoc-Manoc, pasado alas-tres Lunes nang madaling-araw. Idineklara itong fireout dakong alas-kuwatro nang madaling-araw.
Walang naiulat na nasaktan sa dalawang insidente ng sunog.
Iniimbestigahan na ang pinagmulan ng apoy habang tinataya ang kabuuang halaga ng napinsala dahil sa nangyaring insidente.