30 bahay naabo sa sunog

Tatlumpung bahay sa Tondo ang natupok matapos madilaan ng apoy sa naganap na sunog kahapon ng umaga sa Tondo,Maynila.

Nabatid sa Manila Bureau of Fire Protection (BFP) na ang sunog ay nagsimula dakong alas-6:16 ng umaga sa 3-storey residential house na yari sa light materials.

Ang bahay ay pag-aari ni Rey Bucacao na matatagpuan sa 1842 Juan Luna St. Tondo, Maynila.

Ayon sa report, ang sunog ay umabot sa ikalawang alarma at idineklarang fire out dakong alas- 6:58 ng umaga.

Umaabot naman sa 50 bilang ng pamilya ang naapektuhan sa nabanggit na sunog at tinatayang nasa P300,000 ang napinsalang ari-arian.

Wala namang nasawi o nasugatan sa nasabing insidente.

Iniimbestigahan ngayon ng arson division ang sanhi ng sunog. (Juliet de Loza-Cudia)