Binistay ng bala ang katawan ng isang 32-anyos na lalaki ng anim na mga kalalakihang lulan ng tatlong motorsiklo kahapon ng madaling-araw sa Lungsod ng Caloocan.
Hindi na nagawa pang maisugod sa pinakamalapit na pagamutan ang biktimang si Ranilo Maydan, 32-anyos, binata, walang trabaho, tambay at residente ng Jerusalem St., Barangay 150, bagong Barrio ng nasabing lungsod dahil nasawi rin ito antimano.
Sa ulat ng Caloocan City Police, ala-1:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa loob mismo ng bahay ng biktima. Mahimbing umanong natutulog si Maydan nang pasukin ng mga suspek at pinaputukan isa-isa ng mga suspek.
Agad namang nagising ang mga kapitbahay ng biktima dahil sa sunud-sunod na putok ng baril na isinalarawan pa nilang tila bagong taon umano ang ingay at doon na nga nila nakitang papatakas na ang mga suspek lulan pa rin ng kani-kanilang mga motorsiklo.
Sa pagsisiyasat ng Scene Of the Crime Operatives (SOCO) sa pamumuno ni P/SInsp. Avelino Andaya ay hindi umano bababa sa 30 mga basyo ng bala mula sa iba’t ibang kalibre ng baril at 17 deformed slugs ang na-recover sa lugar na pinangyarihan ng krimen senyales lamang umano na hindi talaga bubuhayin ang biktima.