Tatlumpung Chinese national na iligal na nagtatrabaho sa Pilipinas ang inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ­makaraang salakayin ang 16 na establisim­yentong matatagpuan sa Solemare Parksuites at Aseana Powerstation sa Macapagal Boulevard, Parañaque City.

Nabatid na Huwebes ng gabi sinalakay ng BI ang 16 na establisim­yento pero nitong Sabado lang ito isinapubliko ni BI Commissioner ­Jaime Morente.

Ani Morente, isinagawa ang pagsalakay dahil na rin sa mga “anonymous information” na kanilang natatanggap tungkol sa mga dayuhang iligal na nagtatrabaho sa 16 na establisimyento sa Solemare Parksuites at Aseana Powerstation.

Ayon kay BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr., bago ang pagsalakay ay nagsagawa muna sila ng surveillance at nakumpirma na nagtatrabaho nga ang mga naturang Chinese national bilang cook, hairstylist at vendor kahit walang visa o permit, na isang paglabag sa Philippine Immigration Law.

“Most of them were working under a tourist visa. May were undocumented and were even overstaying,” ani ­Manahan.

Agad aniyang nag-isyu si Morente ng ­mission order matapos makumpirma ang impormasyon para arestuhin ang mga dayuhan.

May 17 Chinese at isang Taiwanese aniya ang kasama sa mga inaresto pero pinalaya rin ang mga ito matapos makapagpakita ng ­tamang visa.

Pansamantalang ikinulong ang 30 Chinese national sa BI detention center sa Bicutan, Taguig City habang ­sumasai­lalim sa deportation proceeding.

Nagbabala si ­Morente na marami pang susunod na pagsalakay ang kanilang gagawin kaugnay na rin sa puspusang kampanya laban sa mga dayuhang iligal ang pananatili o pagtatrabaho sa Pilipinas.