Inaasahang hindi na magsisiksikan at hindi na magagamit para pansamantalang silungan ang mga paaralan tuwing mayroong darating na kalamidad.
Kasunod ito ng pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapatayo ng 30 evacuation center para maging permanenteng matutuluyan ng mga mamamayang maaapektuhan ng kalamidad at sakuna.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ang mga evacuation center ay itatayo sa Bicol o Region 5, at pangangasiwaan ng Housing and Urban Development Coordinating Council.
Layon aniya ng programa na magkaroon ng matibay at mas matatag na evacuation center para sa mga Pilipinong tinatamaan ng kalamidad gaya ng bagyo, baha, lindol, landslide at iba pa at para hindi na rin mabulabog at masalaula ang mga silid-aralan na karaniwang ginagamit na pansamantalang evacuation centers sa tuwing may kalamidad sa bansa.