Umabot sa 300 inmate ang lumaya sa Northern Cotabato District jail sa Kidapawan City, sa pamamagitan ng pinalawak na Enhanced Justice on Wheels Program (EJOW) ng Supreme Court (SC) noong Biyernes.
Nabatid kay Court Administrator at SC spokesman Midas Marquez, ang mga inmate ay pinalaya matapos na maresolba ang kanilang kaso sa loob lamang ng isang araw na pagdinig.
“We are bringing the EJOW to different provinces in line with the directive of Chief Justice Lucas Bersamin to expedite the resolution of cases in the lower courts,” ayon kay Marquez.
Ang EJOW ay patuloy na programa ng SC sa buong bansa kung saan may 12,000 inmates na ang kasong kriminal na naresolba at 10,000 civil case.
Inilunsad ang EJOW noong 2004 para mapabilis ang resolusyon ng kaso at mabawasan ang mga nakakulong sa mga piitan.
Personal umanong inoobserbahan ni Marquez ang EJOW sa bansa.
Binisita rin spokesman ang Northern Cotabato District jail para alamin ang kondisyon ng mga preso at nakipag-dayalogo ito sa mga hukom, prosecutor, public attorney, pulis, jail warden at pribadong abogado.