Umaabot sa 306 miyembro ng New People’s Army (NPA) at Militia ng Bayan ang sumuko sa awtoridad sa lalawigan ng Masbate sa kasagsagan ng ika-51 taong anibersaryo ng CPP-NPA nitong Huwebes.

Bukod sa nasabing bilang ng mga surrenderee na kinabibilangan ng 47 regular miyembro ng NPA, 150 Militia ng Bayan, 51 Sangay ng Partido sa Lokalidad (SPL) at 58 supporter ay kasama nilang isinuko ang 49 iba’t ibang kalibre ng baril ayon kay Lt. Col. Napoleon Pabon, Commanding Officer ng 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army.

“We have a continuing responsibility for the Masbateño former rebel and it shall commence after they have laid their arms and return to the fold of our legitimate government. We need to insure that all benefits and necessary remunerations especially housing and kabuhayan packages be provided them by concerned agencies in constant collaboration with the local government of the province,” saad naman ni Pabon.

Base sa salaysay ng isang rebel returnee na nakilalang si Ka Jerry, dismayado umano sila sa pagtrato sa kanila ng kanilang mga kasamahan.

“Nagugutom, ulan, init at nagkakaroon po kami ng sakit at ‘yon pong mga kasamahan ko pong nagkakasakit at hindi na nila kinakaya ay iniiwanan na lang kung saan-saan,” pahayag ni Ka Jerry. (Edwin Balasa)