Tinatayang 326 pamil­ya mula sa Metro Manila at Gitnang Luzon ang naapektuhan ng masamang panahon na idinulot ng habagat na pinalalakas ng bagyong Gorio.

Sa huling tala kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang nasabing bilang ay katumbas ng 1,254 indibidwal.

Galing ang mga naapektuhang pamilya sa da­lawang barangay sa Pampanga, isang barangay sa Malabon City gayundin sa Valenzuela City.

Sa naturang bilang, 183 pamilya ay nanatili sa walong evacuation centers.

Wala namang naiuulat pang nasawi o nasaktan dahil sa nararanasang masamang panahon.

Nananatili pang lubog sa baha ang ilang silid-aralan at mga bahay sa Barangay Sagrada Famil­ya Sabado sa Ma­santol, Pampanga dahil sa walang tigil na pag-ulan sa mga nakalipas na araw.

Sa tala ng mga disaster official ng Pampanga, nasa 25 barangay mula sa mga bayan ng Apalit, Macabebe at Masantol ang lubog pa rin sa baha bagama’t bumalik na sa normal ang lebel ng tubig sa mga kalapit na ilog.

Kennon Road sarado muna

Inaabisuhan naman ang mga magtutungo ng Baguio City na iwasang dumaan sa Kennon Road at sa halip ay tahakin ang Marcos highway dahil sa mga pagguho na dulot ng bagyong Gorio.

Hindi rin muna pinapayagan ang mountain climbing at trekking sa Mt. Pulag at Mt. Purgatory.