3,000 baboy sa San Simon, Pampanga tinamaan ng ASF

Umaabot sa 3,000 mga baboy ang pinatay at nilibing matapos magpositibo sa African swine fever (ASF) virus sa bayan ng San Simon, Pampanga.

Ito ang tiniyak ng mga tauhan ng Department of Agriculture (DA) at local government unit (LGU) ng Pampanga na umabot na sa San Simon ang sakit ng mga baboy.

Ayon kay Mayor Abundio Punsalan Jr., nasa 3,000 baboy ang kinatay na at agad nilibing upang hindi na kumalat pa ang virus.

“Some hog raisers reported that their pigs died due to the virus, so I already ordered the culling of the rest to immediately contain the virus,” ayon kay Punsalan.

Nabatid na ang San Simon ang kauna-unahang bayan na nakumpirmang mayroong ASF sa Pampanga matapos iutos ang ban sa pagpasok ng mga baboy mula sa mga kalapit na lugar, kabilang na ang Bulacan province na una nang nagdeklara ng outbreak.

Ayon pa sa alkalde, nalugi nang P15,000,000 ang hog industry ng kanilang bayan dahil sa nasabing virus.

Paliwanag nito, mayroon silang 70 babuyan, partikular na sa Barangay Concepcion at Barangay San Pedro na halos lahat ay naapektuhan ng virus, subalit sinisigurado ng alkalde na makatatangap sila ng tulong mula sa LGU at DA base sa bilang ng kanilang mga namatay na baboy.

Kasabay nito ang pagba-ban sa lahat ng baboy, buhay man o patay na ipasok sa San Simon. (Vick Aquino)