Ipinaubaya ng Malacañang sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagberipika sa umano’y presensiya ng may tatlong libong miyembro ng People’s Liberation Army ng China sa Pilipinas.
Kasunod ito ng naging pahayag ni Senador Panfilo Lacson na mayroon umanong misyon sa bansa ang mga sundalo ng China.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na mananatiling raw intelligence ang inihayag ni Lacson hangga’t hindi ito naba-validate ng mga awtoridad.
Tiyak aniyang kumikilos na ang Hukbong Sandatahan para i-check ang isiniwalat ng senador.
“Since he himself said it has to be validated, then it’s a raw intelligence report on his part. Then we have to investigate. I’m sure the AFP is already validating that given that it is being reported by no less than a senator of the Republic,” ani Panelo.
Sinabi ng kalihim na wala siyang personal na natatanggap na impormasyon hinggil sa naging pahayag ni Lacson kaya hihintayin ng Palasyo ang magiging aksyon ng AFP sa nabanggit na usapin.
Hindi naman itinanggi ni Panelo na nababahala ang Palasyo sa ulat lalo na kung ang nakataya rito ay ang pambansang interes ng bansa.
“We are always alarmed with respect to national interest issue,” dagdag pa ni Panelo. (Aileen Taliping)