Umaabot sa 3,000 pulis ang ipakakalat sa Maynila para magbantay sa mga idaraos na kilos-protesta sa paggunita ng Labor Day ngayong araw.
Ayon kay National Capital Region Police chief Director Oscar Albayalde, ang 2,000 pulis ay manggagaling sa Manila Police District na ipakakalat habang ang 1,000 pang pulis ay mula sa Regional Public Safety Battalion.
Sinabi ni Albayalde na may 400 pulis pa naman ang nakaantabay sakaling kailanganin ng sitwasyon.
Napag-alaman na tinatayang may 3,000 kasapi ng labor group na Kilusang Mayo Uno (KMU) ang lalahok sa Labor Day protests habang 5,000 kasapi naman mula sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay).