32 estudyante kabilang sa namatay kay Usman

Malungkot na iniulat ni Education Secretary Leonor Briones kay Pangulong Rodrigo Duterte na 32 mula sa 122 casualty sa bagyong Usman ay mga estudyante sa Bicol region.

Ayon sa kalihim, hindi agad nakatakbo o kung hindi man ay tulog ang mga bata nang mangyari ang landslide sa kanilang mga tahanan.

Bukod dito, umabot sa P237 milyon ang halaga ng mga paaralan na nawasak at napinsala ng bagyo, bukod pa aniya dito ang mga computer na nalubog sa baha.

Dahil patuloy pa ring nakalubog sa baha ang marami sa mga paaralan sa Bicol region, sinabi ni Briones na plano nilang maglunsad ng Brigada Eskuwela katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa nasabing rehiyon para maglinis sa mga binagyong paaralan.