$32-M US aid gugugulin sa pagpapalakas ng militar, pulisya

philippine-army

Ilalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapa­lakas ng puwersa ng militar at pulisya ang $32 milyo­n o P1 bilyon na tulong ng Estados Unidos sa bansa.

Malaking bahagi umano ng ipinangakong tulong pinansyal, ayon kay Pangulong Duterte, ay ipambibili ng mga makabagong armas.

Ipinakita na umano sa kanya ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang listahan ng mga “ideal equipment” ng militar at ito umano ang paglalaanan ng pondo, ang mga modernong armas na bibilhin ay magbibigay-daan umano para maging pinakamalakas na ang militar pagdating sa mga gamit.

Sa pagbisita sa bansa kamakailan ni US State Secretary John Kerry ay nangako ito ng tulong-pinansyal sa Pilipinas na gagamitin sa training at pagbili ng mga kagamitan.

Ang pagpapalakas sa puwersa ng militar at pulis ang isa sa ipinangako ni Pangulong Duterte na ipatutupad niya sa kanyang administrasyon, kasama na ang pagkuha ng karagdagang 20,000 sundalo at pulis at pagdoble sa suweldo ng mga law enforcers.