Umabot sa 32 mula sa 86 na pulis na kasama sa Public Safety Officers Basic Course Class of 2020 ang bumagsak sa body mass index (BMI) kahapon ng umaga sa Camp Crame.
Hinarap ni PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa ang nasabing mga alagad ng batas at pinaalalahanan ang mga ito na responsibilidad ng bawat pulis na pangalagaan ang kanilang sariling kalusugan.
Ayon pa sa opisyal, batid niya na mahirap panatilihing tama ang timbang lalo na kapag nagkakaedad pero dapat umano itong magsilbing hamon dahil ‘physically demanding’ ang trabaho ng mga pulis.
Matatandaan na una nang sinabi ni Gamboa na may “sanctions” ang mga pulis na hindi makaka-comply sa tamang BMI.
Ang wala sa tamang timbang ay hindi papayagang makapag-schooling, na requirement para sa promosyon.
Hindi lamang aniya ito para sa imahen ng PNP kundi para na rin sa kanilang kabutihan. (Edwin Balasa)