33 nilambat sa iligal na pangingisda

Tatlumpu’t tatlong mangingisda ang nilambat nang mabisto illegal ang mga itong nangingisda sa karagatang sakop ng bayan ng Buguey, Cagayan noong Huwebes.

Sa report ni Buguey Municipal Police Station (BMPS) P/Capt. Joel Labasan, nagsumbong ang ilang concerned citizen sa pagpasok ng mga mangingisda na mula sa bayan ng Gonzaga sa karagatang sakop ng Buguey, sakay ng dalawang malalaking bangka.

Agad namang umaksyon ang BMPS, at dito ay hinuli ang mga mangingisda sa paglabag sa municipal ordinance ng Buguey na tanging ang mga mamamayan lamang ng nasabing bayan ang maaaring mangisda sa nasasakupang lugar.

Ayon kay Labasan, bagamat nasa 40 katao ang lulan sa dalawang bangka, 33 lang ang hinuli dahil ang iba ay kabilang sa persons with disabilities.

Nakuha mula sa grupo ang dalawang malalaki at tatlong maliliit na bangka na ginamit ng mga ito sa pagdala sa pampang ng kanilang mga nakukuhang isda at ilang gamit sa pangingisda.

Napag-alaman na ang pinakabata sa mga nahuli ay nasa edad 16 at ang pinakamatanda ay 67-anyos.

Pansamantala namang lumaya ang mga mangingisda matapos makapagpiyansa ng tig-P1,000. (Allan Bergonia)