343 nadagdag sa Covid case

Nadagdagan pa ng may 343 bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang naitala ng Department of Health (DOH) sa bansa kahapon.

Sa Bulletin No.15 na inisyu ng DOH, umabot na sa 1,418 ang nagpositbo sa virus, habang 3 pa ang nasawi kaya umabot na sa 71 ang namatay habang nadagdagan pa ng pito ang nakarekober sa sakit na umabot na sa 42.

Ayon kay Health Usec Ma Rosario Vergeire, ang tatlong nasawi ay pawang senior citizen na sina PH859, na isang 70-anyos na lalaki na mula sa Quezon City; PH900 na isang 71-anyos lalaki mula sa Iloilo at PH718, na isang 78-anyos na lalaki mula sa Maynila.

Sila ay pawang may taglay na mga karamdaman bago dinapuan ng virus, kabilang ang hypertension, diabetes, asthma, sakit sa kidney at dengue.

Ang magandang balita naman, umabot na sa 42 ang mga COVID-19 patients na gumaling o nakarekober mula sa virus, matapos na madagdagan ng pito pa.

Habang huling nakarekober sa karamdaman at nakauwi na ng tahanan ay sina PH204, na 32-anyos na babae mula sa Makati; PH358, na 35 yeard old na lalaki mula sa Quezon City; PH135, na 13-anyos na lalaki mula sa Quezon City; PH122, na 41-anyos na lalaki mula sa Tarlac; PH114, na 35 years old na lalaki mula sa Caloocan City; PH109, na 44-anyos na lalaki mula sa Pasig City at PH88, na 33-anyos na lalaki mula sa San Juan City.

Muli naman sinabi ni Vergeire na inaasahan na nila ang pagdami ng COVID-19 cases na dulot pa rin ng backlog sa resulta ng COVID tests.

Muli rin niyang tiniyak ng DOH sa publiko na patuloy silang magsusumikap na malabanan ang sakit.

Gayundin, nanawagan siya sa lahat na patuloy na manatili sa kanilang mga tahanan, dahil kung hindi nila ito gagawin ay mababalewala lamang ang pagsusumikap ng pamahalaan na sugpuin ang COVID-19 sa bansa at patuloy pa ring tataas ang bilang nito sa hinaharap.(Juliet de Loza-Cudia)