Ibinunyag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang listahan ng 349 na mga opisyal mula sa lokal at nasyonal na pamahalaan na diumano’y nagbibigay ng suporta sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa pamamagitan ng extortion money at permit to campaign fee.
Batay umano sa natanggap na report ni Año, 349 na opisyal ng lokal at nasyonal na pamahalaan mula sa Kongreso, punong-lalawigan, hanggang sa mga konsehal sa barangay ang itinuturong pinagmumulan ng tulong pinansyal at konektado sa mga komunistang rebelde.
“Nasa amin na ang listahan, kilala namin kayo. Kaya kung tinutulungan ninyo ang mga rebeldeng komunista, sa ano mang paraan, ipinapahayag ninyo ang inyong sarili bilang mga tagasuporta ng terorismo at kalaban ng bansa, kayo ay kasabwat nila sa kanilang hangarin,” babala ng kalihim.
Ayon kay Año, sa 349 na mga opisyal, may 11 gobernador, limang bise gobernador, 10 miyembro ng Sangguniang Panlalawigan; 55 mayor, 21 vice mayor, at 41 na mga konsehal ng bayan.
Kasama din sa listahan ang 126 na mga barangay chairman, 50 konsehal ng barangay, at walong iba pang opisyal ng barangay.