35-hour work week inaral ng solon

Inilatag ni Albay Rep. Joey Salceda ang ginawa niyang pag-aaral sa panukala niyang iksian ang bilang ng lingguhang oras ng trabaho.

Mula sa 40 oras ay ipinapanukala ito ng kongresista na gawin na lamang 35 oras kada linggo “para pabutihin ang antas ng buhay, ‘productivity’ at kagalingan sa bansa.”

Pinamagatang “Improving Quality of Life, Productivity and Sustainable Consumption by Reducing Hours at Work,” iniulat dito ni Salceda ang mga nagaganap na mga pagbabago sa ‘global labor market’ at inihambing sa situwasyon sa bansa.

Suporta iti sa House Bill 9183 at 9184 na nauna nang inihain ng mambabatas sa Kamara.

Oras na maging batas, makakasabay umano ang Pilipinas sa pandaigdigang pagbabago sa paggawa bunga ng mga maka­bagong teknolohiya at mapainam ang buhay ng mga empleyado.

“Ngayong namumuhunan ng malaki ang pamahalaan sa mahahalagang impraistraktura sa buong bansa, kasama na ang Kamaynilaan kung saan araw-araw na pahirap ang sikip ng trapiko, kailangangan ding ibagay ng estado ang mga panuntunan nito sa paggawa upang mabalanse ang buhay at trabaho ng mga empleyado,” punto ni Salceda.