35-oras na lingguhang trabaho ipinanukala

Nakahain sa Kamara ang dalawang panukalang batas ni Albay Rep. Joey Salceda na naglalayong babaan sa 35 oras ang umiiral na 40-oras lingguhang trabaho ng mga manggagawa sa pamahalaan at pribadong sektor para isulong ang higit na mataas at makabuluhang paggawa at kagalingan ng mga manggagawa.

Ayon kay Salceda, ang panukala niyang HB 9183 at HB 9184 ay naaayon sa pandaidigang pagbabago tungo sa higit na maigsing oras at mataas na antas ng paggawa dulot ng mga asenso sa teknolohiya at agham.

Nagkakaisa aniya ang mga ekonomista, mananaliksik at matataas na institusyong pangkarunungan sa iginigiit nilang “ang higit na maigsi at ‘flexible working week’ ay malaki ang naitutulong para lalong mapasulong ang produksiyon at ekonomiya” at “higit na malusog na pangangarawan at pag-iisip ng mga manggagawa kaya higit na mataas ang antas ng produksiyon nila.”

Sa ilalim ng HB 9183 at HB 9184, titiyakin din ang wastong bayad at benepisyo ng mga nasa 35-oras sistema ng lingguhang trabaho gaya ng nasa kahalintulad nilang mga gawain, mga karapatan sa pahinga, makatotohanang dami ng gawain, at maliwanag na mga kundisyon sa paggawa.