Patuloy ang nararanasang maalinsangan na panahon sa bansa kung saan kahapon ay 48.2 degrees Celsius na heat index ang naitala ng Phi­lippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) sa Dagupan City, Pangasinan.

Ayon kay weather specialist Gener Quitlong, ang nararanasang mataas na heat index sa bansa ay maaaring pagmulan ng heat stroke kaya maging maingat ang publiko lalo na sa paglabas ng bahay at pagbabad sa tindi ng init ng araw.

Sa datos ng Pagasa, nasa 36.9 degrees Celsius ang temperatura sa Dagupan City subalit ang heat index o nararanasang init sa katawan ay umabot sa 48.2, samantalang sa Cabanatuan City ay 36 degrees at sa Sangley Point, Cavite na 36.5 degrees.

Nasa 45 degrees ­Celsius naman ang heat index na naramdaman sa Ambulong, Batangas; Cabanatuan at Cuyo, Palawan at sa Cavite.

Bagama’t nakakaranas ng matinding init ay asahan pa din umano ang kalat-kalat na pag-uulan sa Bohol, Samar, Misamis Oriental at Bukidnon ­dulot ng easterlies. (Tina Mendoza)