Nalaglag sa kamay ng pulisya ang 36-anyos na lalaki matapos mangikil sa isang 14-anyos na dalagita sa Bocaue, Bulacan.

Sa ulat ng pulisya, nakilala ang nadakip na suspek na si Desi Arnel Villagracia, 36-anyos, ng Brgy. Bunducan na nagpanggap pa na isang Grade 5 student upang makapanloko ng menor de edad.

Nakipagkaibigan umano si Villagracia sa biktima sa pamamagitan ng social media at nagpakilalang estudyanteng babae. Nang makuha na ang loob ng dalagita ay humingi ito ng picture at dahil sa pag-aakala na babae nga ang kausap, nagpadala naman ang biktima ng larawan na nakasuot lamang ng sports bra.

Dito na umano humingi ang suspek ng P1,500 sa biktima kapalit ng hindi pagpapakalat ng larawan nito. Ibinigay ng biktima ang pera noong Disyembre 30.

Nang humirit pa ang suspek ng mas malaking halaga, dito na humingi ng tulong ang biktima sa kanyang mga magulang na nagtungo naman sa pulisya na nagkasa ng entrapment operation.

Kasong paglabag sa RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 at robbery extortion ang isasampa sa suspek.