May mga oportunidad sa mga Build, Build, Build project ang 387 mga manggagawa ng Honda Philippines na nakatakdang mawalan ng trabaho sa pagsasara ng planta nito.
Ito ang tugon ng Malacañang sa panawagan ni Congressman Ferdinand Gaite kay Pangulong Rodrigo Duterte na umaksiyon para matulungan ang mga manggagawang mawawalan ng trabaho.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, na maraming ginagawang infrastructure project kaya maaaring itong pagpilian ng mga matatanggal na manggagawa.
“‘Di ba nga sabi natin because of the Build, Build, Build projects, mayroon silang puwedeng paglagyan kung matuloy na, and marami tayong projects, baka makapasok sila doon,” ani Panelo.
Maganda aniya ang alok na retirement package ng Honda para sa mga maaapektunan ng pagsasara ng kanilang planta kayat hindi mangangamba ang mga ito na magutom ng ilang panahon. (Aileen Taliping)