Sinandalan ng Bureau of Customs (BoC)si ­volleyball superstar Alyssa Valdez para hakbangan­ sa five sets ang Laoag 18-25, 27-25, 21-25, 25-21, 15-9 kahapon sa 13th V-League Reinforced Conference sa PhilSports Arena sa Pasig.

Umiskor si former Ateneo Queen Eagle Valdez ng 39 points na may eight service aces para itulak ang Transformers sa 2-0 at saluhan sa tuktok ang University of Sto. Tomas.

Nakauna ang Power Smashers ng 2-1 at hawak pa ang 16-13 bentahe sa fourth set, pero bumanat ng 6-0 run ang Transformers­ kasama ang back-to-back service aces ni three-time UAAP MVP Valdez para makuha ang abante, 19-16.

Sumagot ng dalawang puntos ang Laoag para tapyasin sa isang puntos ang kanilang hinahabol, pero hindi nasira ang diskarte ng BoC at nakuha rin sa tiyaga ang laban para makahirit ng fifth set.

Lamang ang Laoag, 6-5 sa decider, pumalo­ ng anim na sunod na puntos ang Transformers­ para makuha ang abante, 11-6 at hindi na bumitaw.

Nalasap ng Power Smashers ang unang talo sa dalawang salang.

Hindi naman nagpasindak ang all-Filipino Air Force, kahit may ­imports ang Pocari Sweat ay kinalos pa rin ng Lady Jet Spikers ang Lady Warriors sa five sets 25-20, 22-25, 25-7, 22-25, 15-12 sa unang laro.

Hinarap at nakipagdikdikan ang Air Force sa Pocari Sweat na humu­hugot ng lakas kina American reinforcements Andrea Kacsits at Bre Mackie.

“Nagtrabaho lahat, naging challenge ‘yung wala kaming imports,” sabi ni Air Force coach Jasper ­Jimenez.

Umiskor sina May Ann Pantino at Neneng Tapic ng tig-17 markers para sa Jet Spikers na nakaungos sa attacks, 54-45.

May 15 spikes si Pantino kasama ang 11 excellent receptions.

Kumana si Judy Ann Caballlejo ng 14 puntos, nagtala rin ng pito sa 15 service aces ng Air Force.