3B shabu nasilat sa Chinese, 2 Pinoy tulak

Tinatayang kabuuang P3 bilyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) sa ikinasang buy-bust operation sa magkahiwalay na lugar sa Makati City at Las Piñas kamakalawa at kahapon.

Nakakulong ngayon sa detention cell ng DEG sa Camp Crame, Quezon City ang suspek na si Liu Chao, isang Chinese national at taga-Barangay San Antonio, Makati City.

Sa ulat ni PNP Officer-in-Charge, Police Lt. Gen. Archie Gamboa, alas-11:45 ng gabi nang unang ­isagawa ang ope­ration sa apartment unit ng dayuhan sa Banoyo St., Brgy. San Antonio sa Makati City.

Ayon sa imbestigas­yon, natuloy ang transaksyon sa pagitan ng Chinese at poseur buyer nang mahalata agad na pulis ang kanyang katransaksiyon sa isang kilo ng shabu.

Agad na tumakbo ang dayuhan sa kanyang kuwarto kaya nadiskubre pa ang nasa 400 kilo ng hinihinalang shabu na may street value na P2,700,000.00 na nakasilid pa sa mga tea bag, dog food at maleta.

Sinabi ni Police Lt. Gen. Gamboa na posibleng galing sa ibang bansa ang naturang droga at ginagawa lamang bodega ang naturang unit dahil nalansag na umano ang mga shabu o drug laboratory sa bansa.

Sa Las Piñas City naman ay arestado ang magkapatid na umano’y galamay ng mga ­Chinese drug pusher at nakumpis­kahan ng 17 kilo ng shabu.
Kinilala ang magkapatid na sina Merwin at Joel Bustamante, nasa hustong gulang at naninirahan sa Malabon City.

Batay sa report ni Police Col. Segundo Lagundi, hepe ng Las Piñas City Police alas-11:30 ng umaga nang madakip ang magkapatid ng Phili­ppine Drug Enforcement Agency (PDEA), PNP-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) at Las Piñas Police. Nakumpiska ang 17 tea bag na naglalaman ng hinihinalang droga sa parking lot sa may C-5 Ext., Brgy. Manuyo.

Nasamsam sa magkapatid ang shabu na nakalagay sa green tea bag sa isang kotse na aabot sa P115.6 milyon ang halaga.
Inaalam ngayon ng pulisya kung konektado ang magkapatid kay Chao. (Armida Rico/ Edwin Balasa)