3K pamilya nabiyayaan sa gift-giving ng Pasay City-DSWD

Nasa 3,000 pamilya ang pinasaya ng Pasay City Social Welfare Department (PSWD) sa isinaga­wang “Christmas Gift Giving Program” ng ahensiya sa Cuneta Astrodome kahapon.

Pinangunahan ni PSWD chief Rosalinda Orobia ang pamamahagi ng maagang aginaldo sa mga libo-libong residente ng District 1 at 2 sa lungsod matapos maglaan ang pamahalaang lokal ng Pasay ng P6 milyon para sa nasabing programa.

Sinabi ni Orobia na ang nasabing kaganapan ay inorganisa ng PSWD na dinaluhan nina Mayor Antonino “Tony” Calixto at Congresswoman Imelda Calixto-Rubiano, PSWDO at ilan pang mga kawani ng pamahalaang lungsod ng Pasay.

Labis ang tuwa ng mga batang tumanggap ng mga pagkain at laruan habang ang kanilang pamilya ay binigyan naman ng ham, groceries at bagong tuwalya.

“Nagpapasalamat po kami kay Mayor Antonino Calixto, Congresswoman Emy Calixto-Rubiano at ng buong konseho na nag-allocate ng pondo na isinasagawa kada taon para sa less fortunate ng lungsod at marami po kaming napapasayahan ng pamilya lalo na po sa mga bata,” ani Orobia.

Pahayag pa ni Orobia, nasa ikalimang taon nang nakapaglunsad ng gift-giving project ang PSWD para sa mga street children, mga bata at kanilang pamilya sa lungsod ng Pasay.

Bukod pa dito aniya, maging ang mga street children o palaboy sa kalsada ay binigyan din ng mga regalo, damit at pagkain na ito ay sinimulan nilang gawin noong pagpasok ng buwan ng ­Disyembre.