Magbibigay ang 54 mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ng P3 milyong pabuya para sa makakapagbigay ng impormasyon upang maaresto ang pumatay sa kasamahan nilang si Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe at sa isang police escort nito.
Pinangunahan ni Negros Occidental Rep. Albee Benitez ang ambagan ng mga kongresista para malutas ang pamamaslang kay Batocabe.
Pinagbabaril si Batocabe at ang kanyang police escort na si SPO1 Orlando Diaz matapos magsagawa ng gift-giving para sa mga senior citizen at persons with disability sa isang covered court ng Brgy. Burgos, Daraga, Albay dakong alas-tres kahapon nang hapon.
Sa nakalap na impormasyon mula kay Bicol provincial police spokesperson Chief Inspector Ma. Luisa Calubaguin, nasa walong tama ng bala sa katawan ang tinamo ng mambabatas.
Hindi pa umano malaman kung ilan ang suspek dahil humalo ang pinaniniwalaang hindi bababa sa dalawang gunman sa mga tao habang paalis na si Batocabe at pasakay na sana sa kanyang kotse nang lapitan ito at pagbabarilin pati na ang kanyang police escort.
Isinugod ang 52-anyos na kongresista sa Ago Medical and Educational Center pero idineklarang dead-on-arrival. Patay din sa pamamaril ang kanyang police escort na si Diaz.
PNP TASK FORCE BINUO
Kinondena rin ni Philippine National Police (PNP) Director General Oscar Albayalde ang pagpatay kay Batocabe at sa police escort nito at inihayag na bumuo na sila ng Special Investigation Task Group.
Umapela rin si Albayalde sa publiko na ipagbigay-alam kaagad sa PNP ang anumang impormasyon na makatutulong para maaresto ang mga suspek at maresolba agad ang krimen.
Hustisya tiniyak ng Palasyo
Kinondena ng Malacañang ang pagpatay kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe at sa police escort nito sa Albay kahapon nang hapon.
Sa ipinalabas na pahayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ipinaabot ng Palasyo ang pakikiramay sa naulilang pamilya ni Batocabe, gayundin sa mga kaibigan at kapwa mambabatas nito na nagdadalamhati sa hindi inaasahang pagkamatay ng mambabatas.
Sinabi ng kalihim na kumilos na ang mga awtoridad at titiyakin ng gobyerno na lahat ng motibo at anggulo sa krimen ay iimbestigahan para maparusahan ang mga nasa likod nang pagpatay kay Batocabe.
Kinondena ng mga senador, kongresista
Nagulantang kahapon ang mga mambabatas ng dalawang kapulungan ng Kongreso matapos pumutok ang balitang pinaslang ang kanilang kasamahang si Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe sa dinaluhan nitong gift-giving sa Daraga, Albay.
Kinondena ng mga senador at kongresista ang pamamaslang kay Batocabe at sa isa nitong police escort at iginiit sa mga awtoridad na kumilos para maaresto ang mga may kagagawan ng krimen.
Isa si Senador Sonny Angara sa mga unang nagpahayag ng pagkondena sa krimen at pakikiramay sa pamilya ni Batocabe.
“This deplorable act of violence has no place in a democratic society like ours. I strongly urge our police authorities to run after the suspects and bring them to the bar of justice at the soonest possible time. To the family and loved ones of Rep. Batocabe, my prayers and deepest condolences,” ani Angara.
Panawagan din nina Bagong Henerasyon Party-list Bernadette Herrera-Dy at Cong. Jericho Nograles sa Philippine National Police at iba pang law enforcement agency na hulihin agad ang killer.
“These senseless killings must stop now,” ani Nograles.
Galit din ang naramdaman ni Albay Rep. Edcel Lagman sa sinapit ni Batocabe at iginiit sa mga awtoridad na arestuhin ang pumatay sa mambabatas gayundin ang utak ng krimen.
Kailangan aniya malaman ang tunay na motibo sa likod ng pagpatay kay Batocabe.
“I condemn in the strongest possible terms the killing of an ally and friend…Nothing can justify his murder and that of his police aide,” ani House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na nanawagan din sa mga awtoridad para magsagawa ng mabilisan ngunit malalim na imbestigasyon para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kasamahan. (Aileen taliping/Edwin Balasa)