Nangibabaw si James Yap sa sagutan nila ni Paul Lee sa dulo para itakas ng Rain or Shine ang 75-74 ungos sa Magnolia sa se­cond game ng PBA Philippine Cup sa MOA Arena Miyerkoles ng gabi.

Si Lee ang kapalitan ni Yap mula Purefoods franchise sa malakihang trade noong 2016.

“The story of the game is James Yap,” bulalas ni Elasto Painters coach Caloy Garcia.

Ibinuhol ng Painters sa 70-70 mula sa long range bomb ni James Yap 75 se­conds. Hindi nakumpleto ni Beau Belga ang and-1 play, nanatili sa 72-72 ang count 18 ticks na lang.

Inikutan ni Paul Lee si Gabe Norwood bago pinakawalan ang jum­per sa harap ni Belga 74-72 Magnolia.

Sa final 6 seconds, ipinagpag ni Yap ang dala­wang defenders para pa­kawalan ang tying jumper, ipinasok ang bonus mula sa foul ni Rome dela Rosa 3.2 seconds.

Sablay ang floater ni Ian Sangalang sa kabila sabay sa pagkaubos ng oras.

Tumapos si Yap ng 18 points, 11 dito sa fourth quarter. Umayuda si Ma­verick Ahanmisi ng 13, may 11 si Norbert Torres para sa Rain or Shine na kumapit pa sa tuktok sa 7-1.

Wala pang naipapanalo sa tatlong laro ang Hotshots, pinangunahan ng tig-16 nina Sangalang at Mark Barroca.

Kumapit naman sa dulo ang Alaska para ipreserba ang 103-101 panalo kontra Blackwater sa unang laro na tinampukan ng 15 lead changes at 6 deadlocks.

“Their players were really playing well, so they scare me,” wika ni Aces coach Alex Compton. “So to come put with a win in this situation, it’s a nice win.”

Nilista ni Carl Bryan Cruz ang 12 sa kanyang 18 points sa fourth quarter, may 18 din si Jeron Teng para itulak ang Aces sa 2-1 card.

Umayuda ng 16 points si Sonny Thoss.