Nasungkit ng Arellano University Chiefsquad ang ikatlong sunod na titulo sa NCAA Cheerdance Competition nang pataubin ang pito pang kalaban Huwebes ng hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa saliw ng mga tugtog mula sa 90s era, nagpamalas ng kakaibang galaw at indayog ang tropa mula Legarda na talaga namang nagpahanga sa lahat ng manunuod.
“Although may minor error kami pero siyempre as a coach nakita ko pa rin naman ‘yung heart ng champion team, kung papano nila pine-perform kanina. Then ginawa nila siyempre ‘yung best nila kaya kami nakakuha ng championship,” sabi ni AU coach Lucky San Juan.
Nakasikwat ng overall score na 229.6 ang AUC habang ang pumangalawa ang University of Perpetual Help Perpsquad na may 222.5 at pangatlo ang Mapua Cheerping Cardinals ay may 211.5.
Inamin din ni San Juan na isa sa mga pangarap nila na maiposte ang grandslam. (Fergus Josue, Jr.)