4 anak naulila ng inang stranded sa terminal

Nasawi ang isang babae sa Pasay City, na limang araw umanong naghintay ng masasakyang bus para makauwi sa Calabanga, Camarines Sur.

Sa ulat, Hunyo 5 ng madaling-araw nang makita ng concerned citizen si Michelle Silvertino, 33, na hirap umanong huminga at may lagnat. Dumulog ito sa pulisya para humingi ng tulong.

Gayunman, wala nang malay si Silvertino nang datnan ng mga pulis sa footbridge, bago ito dinala sa ospital kung saan siya pumanaw. Sinailalim siya sa swab test pero nakasaad sa kanyang death certificate na probable COVID-19 ang rason ng kanyang pagpanaw.

Pero sinabi ng kaibigan niya na si Nathanael Aviso na matagal na umanong may sakit sa baga si Silvertino. Setyembre 2019 aniya nang magproseso ng mga papel si Silvertino para maging domestic helper sa Saudi Arabia at maitaguyod ang kanyang 4 maliliit na anak. Sa kasamaang-palad, hindi nakapasa si Silvertino sa medical exam kaya pumasok na kasamay sa Antipolo, Rizal.

Nagpaalam umano si Silvertino sa amo na uuwi ng Bicol para alagaan ang mga anak, at pinayagan siya nito. Hinatid siya ng kanyang amo sa Cubao terminal noong Mayo 31, isang araw bago binaba sa general community quarantine ang Metro Manila, sa pag-aakalang may masasakyan na itong bus pauwi sa Bicol.

Pero dahil wala pa ring public transport sa ilalim ng GCQ, naglakad si Silvertino papuntang Pasay dala ang mga bagahe niya.

Sinubukang maisama si Silvertino sa Balik Probinsya program ng pambansang gobyerno, at Hunyo 6 sana siya sasailalim sa rapid testing bago makauwi sa Bicol.